Ang Saya Mag-isa
Alam mo, ang saya mag-isa
Yun kasi ang nakasanayan ko.
Ang saya mag-isa kasi, kunwari, manunuod akong sine
Wala akong kailangan tanungin
"Gusto mo ba to?"
"Napanood mo na ba to?"
Ang importante lang, gusto ko.
Alam mo, ang saya mag-isa kasi, kunwari, kakain ako
Wala akong kailangan tanungin
"Gusto mo ba dito?"
"Ano bang gusto mo? Bon Chon? McDo?"
Kasi pag mag-isa ka, bahala ka
Pwede kang sumubok ng bago
O pwede ngang hindi ka na kumain kung nagtitipid ka.
Alam mo, ang saya mag-isa kasi, kunwari, naglalakad ka
Kung may kasama ka, sasabayan mo siya
Kung mabilis siya, hahabulin mo
O sasabihan mo "Ang bilis mo maglakad. May hinahabol ka?"
Kung mabagal naman, babagalan mo din
O kaya hahawakan mo pa yung kamay niya para sabay kayo.
Pero, alam mo, dahil sayo, naging malungkot na ang mag-isa.
Hindi ko na kasi pwedeng sabihan na
"Uy, alam mo, lumabas kami."
"Nagkita kami."
"Kumain kami."
"Nagkwentuhan kami."
"Naglakad-lakad kami."
Malungkot mag-isa kasi pag manonood, wala kang tatanungin
"Gusto mo ba to?"
"Tingin mo maganda to?"
Malungkot mag-isa kasi pag kakain ka, wala kang matatanong
"Ikaw, saan bang paborito mo?"
"Ano bang masarap dito?"
Pinakamalungkot mag-isa pag naglalakad ka
Kasi makikita mo yung iba, lahat sila may kasama
Minsan magka-akbay o kaya magka-holding hands pa.
Pero alam mo, okay na rin siguro yung mag-isa ako
Kesa magkasama tayo tapos laging ganito yung gagawin ko
Sa una masaya, sweet, kilig
Tapos biglang kung ano-ano na yung sinasabi ko sayo.
Alam mo, okay na rin siguro yung mag-isa ako.
Yung walang "tayo", walang "kami"
Ang meron lang "ako"
At "ikaw"
Kasi pag walang "tayo", hindi ka na masasaktan.
Hindi na kita masasaktan.
Alam mo, okay na rin
Magiging okay din
Kasi sanay naman ako e
Sanay manood mag-isa, kumain mag-isa, maglakad mag-isa.
Nakaka-miss lang kasi nasubukan ko na.
Nasubukan ko na yung may "tayo", may "kami"
Kahit saglit
Nasubukan kong hindi mag-isa
Nasubukan kong makasama ka.
Alam mo, ang sarap
Kaya ko hinahanap-hanap.
Kung pwede lang bawiin ang mga salita
Kung pwede lang ibalik ang oras
Kung pwede lang pagkagising ko bukas
Hindi na ako mag-isa
Kasi kahit gaano kasaya ang mag-isa,
Laging may kulang kung wala ka.