Sun Jun 05 2022

Diploma as a Developer

Question

Kailangan ba talaga ng diploma para maging developer?

Short Answer

Yes.

Long Answer:

TL;DR

Magke-kwento muna ako.

Nag-high school ako sa Pisay (2002 - 2006) at meron kaming ilang programming subjects noon. Anong natandaan at nagamit ko? Wala.

Nakailang taon din ako sa UP Diliman (2006 - 2010) sa course kong BS Computer Engineering pero na-kickout ako. Meron naman akong naabutan na ilang programming subjects. Anong natandaan at nagamit ko? Wala.

Naka-graduate ako ng BS Information Technology (2013 - 2016) sa isang "diploma factory" (harsh, I know, but true). Anong natandaan at nagamit ko? Wala.

Code is always evolving.

Ang coding (programming, software engineering, web development, o ano mang term ang gusto mo) kasi laging nagbabago. Tuwing may bagong device, may bagong technology, may bagong "modern problem", may bago ring code para dun.

Nung high school ako, wala pang Android development. Nung first time ko sa college, dun pa lang nagkaroon ng Node. Ngayon, may AI nang kayang mag-code.

In the next 5 years, sinong nakakaalam anong iko-code ng mga programmer?

And that's good...

That's good kasi laging may opportunity sa mga papasok pa lang sa field ng software engineering.

Pwedeng laktawan na yung mga older technologies at mag-focus agad sa kung anong bago. Para sa "senior" naman sa field, laging may pwedeng aralin or pwedeng mas lalong maging focused (and therefore a master) sa napiling language/tech stack.

Personally, ito yung paborito kong part. Laging may bagong aaralin, laging may challenge na pwedeng i-accept, at (minsan, pag swerte) may itataas ang sweldo. 🤑

Challenge Accepted

...but also bad.

That's also a bad thing kasi, kung ihahambing sa ibang engineers, mas stable yung pinag-aralan at alam nila. Hindi naman magbabago ang lakas ng narra, hindi naman magbabago ang reaction ng mga chemicals, at hindi naman basta-basta magbabago ang mga lupang kinatatayuan ng mga siyudad.

Yung inaral, tinandaan, at (malamang) ginagamit nila sa araw-araw nilang trabaho, mataas ang chance na permanente na yun buong buhay nila.

So, kailangan ko ba ng diploma o hindi?

Para sa Apple, Google at ibang American companies, hindi na ganun kahalaga ang diploma 1 at naniniwala akong tama sila lalo para sa developer positions.

Key phrase: hindi ganun kahalaga.

Mahalaga pa rin ang mag-aral (at bilang programmer, asahan mong marami kang aaralin) pero ang diploma? Mahalaga ba talaga ang diploma? Hindi ko masasagot yan para sayo.

Pero kung ako ang tatanungin, mas mahalagang maipakita ng isang tao na kaya niyang mag-aral at matuto ng mga bagong bagay. Sa kahit anong trabaho naman, kailangan na marunong kang matuto. Pero para maging magaling na software engineer, siguro doble ang halaga nun. Sa dami ng kailangan aralin, normal na ngang makalimot at mapa-search ulit ng mga basic na bagay.

So, ano nga? Bootcamp, certificate, o diploma?

Again, hindi ko masasagot yan para sayo. Ako, sa sarili ko, nagtapos ako at kumuha ng diploma kasi yun ang gusto ng mga magulang ko: ang mapagtapos kaming magkakapatid. At tama rin naman para sa akin kasi hinanapan ako ng college diploma sa una kong trabaho.

Kung nakapagtapos ka na ng ibang kurso at lilipat ka, siguro ang pinakamabilis na paraan ay mag-bootcamp ka. Bukod sa ilang buwan lang yun, sigurado ka na yung matututunan mo ay hinahanap rin ng mga kompanya.

Yung certificates, siguro mas magiging mahalaga sila pag may maipapakita ka nang "experience" bilang isang developer. Yung certificates ang magiging "x factor" mo pag ikokompara ka sa ibang kasama mo na pwedeng wala pa.

In the end, ikaw rin ang makakapagdesisyon para sa sarili mo. Depende sa kung anong meron ka na, kung may budget ka, kung nagmamadali kang makahanap ng trabaho, etc.

Final Answer(s)

  1. Kailangan ba ng diploma para maging isang developer?
    • Hindi.
  2. Makakatulong ba ang diploma para makakuha ng trabaho as a developer?
    • Oo.
  3. Bootcamp, certificate, o diploma?
    • Kung wala ka pang diploma, diploma muna (para may mai-frame ka rin 🖼).
    • Kung may diploma ka na pero hindi computer-related, bootcamp.
    • Kung developer ka na at gusto mong tumaas ang posisyon and/or sweldo, certificate.
Back